'Forever akong magiging grateful sa ABS-CBN': ABS-CBN Legazpi reporter sa harap ng pagkawala ng trabaho

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 12:24 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Magkahalong lungkot, pangamba at pasasalamat ang nadarama ngayon ng maraming empleyado ng ABS-CBN na kasama sa mawawalan ng trabaho sa susunod na buwan matapos na hindi mabigyan ng Kongreso ang hiling na prangkisang makapag-operate muli ang Kapamilya network. 

"Sana naisip nila na hindi lang kami ang nawalan ng trabaho, hindi lang kami ang nawalan ng entertainment, kaligayahan--halos lahat ng pamilya natin, ng pamilyang Pilipino na sumusubaybay sa atin ang nawalan ng karapatan na maging masaya," pahayag ni Jose Carretero, isa sa mga reporter ng ABS-CBN Regional Network Group sa Legazpi, sa panayam sa Teleradyo.

"Kami, nawalan ng karapatan na maibigay sa pamilya 'yung magandang buhay na deserve po nila."

Kuwento ni Carretero, hindi pa nagsi-sink in sa kaniya ang mga bagay-bagay. 

"Hindi pa nagsi-sink in na magtatapos na 'yung aking mahabang service sa company. Madaming mga tanong, madaming mga paano kasi alam naman natin tayo lang 'yung isa sa mga nakukunan ng balanse at patas na impormasyon,” aniya.

Nalungkot aniya sila ng kaniyang mga kasamahan sa napipintong pagtatapos ng kanilang serbisyo sa kumpanya kung saan nasa may 20 mga empleyado ng estasyon, mula reporters, drivers, cameraman at admin staff ang apektado. 

"Nakausap na po kami ng management, ito nga malungkot s'yempre lahat ng taga ABS-CBN Legazpi dahil alam mo naman pag ABS-CBN ka halos dinedicate mo na lahat ng buhay mo, oras mo, marami kang sinasakripisyo s'yempre sa paghahatid ng balita,” sabi ni Carretero. 

Ikinasasama pa ng kanilang kalooban na hindi man lang nila madamayan ang isa’t-isa ng personal dahil sa banta ng COVID-19. 

Bukod sa kalungkutan, dama din niya ngayon ang pangamba para sa kinabukasan ng kaniyang pamilya. 

Pinag-aaral ni Carretero at ng kaniyang asawa ang kanilang 3 anak sa pribadong paaralan. Aniya, pinag-iisapan na nila ito dahil sa mahal ang tuition sa private school. 

May kasama rin silang tumutulong sa pag-aaalaga sa mga bata na posibleng maapektuhan rin kapag tuluyan na siyang mawalan ng trabaho. 

Bagamat may trabaho ang kaniyang misis sa gobyerno, hindi maiaalis sa kanilang isip na baka hindi ito sasapat para maitaguyod ang kanilang pamilya. 

“Hindi lang tayo 'yung mawawalan ng trabaho, 'yung nabibigyan din natin ng trabaho. Mahirap mag desisyon pero kailangan naming mag desisyon dahil pamilya na namin nakasalalay dito; pamilya ng ibang umaasa sa amin ang nakasalalay dito,” sabi niiya. 

Sa halos dalawang dekada niyang pagseserbisyo, nagpapasalamat pa rin si Carretero sa pagkakataon makapagbalita at makapagbigay ng public service sa publiko sa pamamagitan ng ABS-CBN. 

"Forever akong magiging grateful sa ABS-CBN kasi siya ang humubog sa akin nung nagsisimula pa lang ako. Hahayan ka nilang I-explore mo kakayanan mo para ma develop mo itong storyang ito," sabi niya. 

Pero hindi lang ang kaniyang pamilya ang inaaalala niya. Inaalala rin niya maging ang kapakanan ng mga taong hinahatiran nila ng balita lalo na’t sa panahon ng kalamidad at ang pagbabalitang inaasahan magdadala ng tulong sa mga residenteng nakatira sa malalayong lugar na naabot ng ABS-CBN. 

“Madami akong natutunan na forever na ipagpapasalamat ko sa ABS-CBN,” sabi niya. 

Sa Ika-28 ng Agosto ang huling pag-ere ng TV Patrol Bicol.