Di lang trabaho, public service mawawala rin sa pagsasara ng ABS-CBN Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2020 03:55 PM | Updated as of Jul 17 2020 05:01 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Laging may kaakibat na public service ang hatid ng ABS-CBN sa publiko saan man sa mundo bilang pagtugon sa pagiging “in the service of the Filipino.” 

“Hindi siguro alam ng karamihan na maliban sa news, we have monthly public service activities na ginagawa sa iba’t ibang areas. Medical mission, job fairs, soup kitchen kapag may binabaha, may sunog, we visit mga far-flung areas na mga residente mismo hirap silang makapunta sa bayan para magpa-checkup,” pahayag ni Queenie Casimiro ng ABS-CBN Zamboanga. 

Ayon kay Casimiro, ang mga taong umaasa sa public service na ibinibigay ng Kapamilya Network ang kasama rin sa mga maaapektuhan sa pagsasara ng Regional Network Group na kabilang ang mga empleyado sa libo-libong manggagawa ng kumpanya na mawawalan ng trabaho sa susunod na buwan. 

“Ito ’yung serbisyong mawawala. Hindi lang tayo ang nawalan ng trabaho, ’yung mga sineserbisyuhan natin kasi ’yun ang turo sa atin na in the service of the Filipino. Iba kasi ang feeling kapag nakakatulong ka sa iba,” sabi niya. 

Taong 1997 nagsimula sa ABS-CBN si Casimiro sa noo’y Sarimanok News Network at naging regular reporter makalipas ang tatlong taon. 

Naibaba lamang sa kanilang grupo ang mapait na balita nitong Huwebes kung saan naipaabot ng management na hanggang Agosto 31 na lamang ang trabaho nila at huling airing ng TV Patrol ay sa Agosto 28. 

“Napakasakit na buong team na wipe out, mawawala ’yung program. Twenty-five years na ’yung TV Patrol Chavacano and it’s the original Chavacano newscast sa Zamboanga City. Meron na rin ibang local Chavacano newscast but tayo ’yung nauna,” kuwento niya sa programa ni Ted Failon sa Teleradyo Biyernes ng umaga. 

Hindi rin maitago ni Casimiro ang malumbay na sinapit ng kumpanya at ng regional network group matapos na maibasura sa Kamara ang hiling na prangkisa ng ABS-CBN. 

“Sobrang sakit. I was expecting na kahit isa man lang magtitira ng stringer team per area kasi ’yung TV Patrol ito ’yung parang flagship program ng ABS-CBN and tayo lang ’yung merong mga region stations sa buong bansa,” sabi niya. 

Dagdag niya na lahat sila ay hirap makabalik sa trabaho matapos ang anunsiyo. 

"Lahat ng mga reporters ko hindi na makagawa ng istorya nila. Napakahirap siyang dalhin. Most of us hindi pa alam kung ano’ng gagawin,” sabi niya. 

Hindi rin niya mapigilan ang iba na humanap agad ng puwedeng pagkakitaan tulad ng kuwento niya tungkol sa kanilang cameraman na handang mag rider na lamang ng food delivery service sa ngayon. 

“After all the skills na natutunan mo sa ABS-CBN at this time ng pandemic, ano’ng option ka meron? Ang daming kumpanyang nagko-close, ang daming nawawalan ng trabaho dahil sa crisis dadagdag mo pa ng 11,000?” saad niya. 

Tulad niya, marami sa kanila ang hindi pa alam kung paano muling makapagsisimula. 

Lima ang anak ni Casimiro na solo niyang itinataguyod. Hindi pa rin aniya nae-enroll ang mga anak dahil tulad ng marami, nag-aabang siya sa kung ano ang magiging kahinatnan ng kanilang estasyon. 

“Hindi ko alam kung makakaya ko pa silang i-enrol sa magandang school,” sabi niya. 

Ang panganay na anak ni Casimiro ay naparalisa mula bewang pababa matapos na barilin ng dalawang beses ng holdaper habang papauwi mula sa trabaho sa Maynila noong taong 2016. 

“ ’Yung mga dreams natin, wala na. Meron tayong staff na ang daming obligasyon, nagpapatayo ng bahay namomroblema paano ipapagpatuloy . . . Totally sira na ’yung plano,” ani Casimiro. 

Bagamat marami ang nagbubunyi sa sinapit ng ABS-CBN, marami rin ang nagpapasalamat sa tulong na naibigay nito. 

“Marami rin namang nagpapasalamat sa atin na nakatulong tayo, nagawan natin ng paaran mga problema nila. Sana makita nila na tayo ’yun, tayo ’yung mga ordinaryong empleyado ang pinakaapektado dito,” sabi niya.