'Wala nang makain, wala nang babalikan': 31,000 TNVS drivers di pa rin makabiyahe
ABS-CBN News
Posted at Jul 16 2020 09:54 AM
MAYNILA – Umalma ang mga driver ng transport network vehicle service o TNVS dahil sa apat na buwang pagkatengga matapos na hindi pa rin payagang makabiyahe ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Jun de Leon, national president ng Laban TNVS, may 31,000 pa silang mga driver ang patuloy na nangangamba at naghihirap ang mga pamilya dahil bukod sa wala na umanong ayuda mula sa gobyerno ay hindi pa rin sila makapagpatuloy na makapaghanap-buhay.
“Dagdag po ito sa pasanin ng gobyerno pa dahil wala pong pinagkukunan ng pagkain, pambayad sa utility bills, wala na ngang ayudang nakuha ang TNVS drivers at hindi pa pinabiyahe ng LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board).
Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo Huwebes ng umaga, ipinagtataka ni de Leon kung bakit kinailangan pang hatiin ng LTFRB ang mga TNVS na papayagang makabibiyahe.
Ayon kay de Leon, naglabas ng listahan ang LTFRB kung sino lamang ang mga TNVS drivers na puwedeng bumiyahe simula Hunyo 1.
“Ito po ay partial. Una naglabas ng 2,000 tapos naglabas ng additional 17,000. Ang problema po 50 mil kaming TNVS. Papaano naman po 'yung 31,000?” tanong ni de Leon.
Hindi anila alam kung paano ang proseso ng pagpili ng LTFRB.
“Bakit hinati pa nila? Bakit inuna pa nila 'yung ilang TNVS driver? Bakit ‘di pinabyahe lahat dahil apat na buwang walang hanap-buhay itong TNVS drivers?” sabi niya.
May mga kasamahan din sila na hinatak na ang hinuhulugang sasakyan dahil walang maipambayad.
“Maraming umiiyak na TNVS drivers dahil nahahatak lang ang kanilang mga sasakyan, wala nang makain, wala nang babalikan,” kuwento niya.
Naglabas din ng sama ng loob si de Leon sa Grab Philippines dahil ang ipinautang nito sa mga driver ay agad na ikinakaltas sa kita sa panahong naka-lockdown pa.
“Sana naman itong Grab Philippines magkaroon ng puso. Sana naman saka ka na maningil,” saad niya.
Tulad aniya ng mga tsuper ng jeepney, nasa floating status sila habang naghihintay ng listahan mula sa LTFRB.
“Katulad ata ito ng mga jeepney na talagang paparalisahin nila o meron naman silang pinaplanong ipapalit sa amin,” sabi niya.
TNVS drivers, Philippine transportation new normal. LTFRB, Jun de Leon, Laban TNVS, Teleradyo