Sunog dalawang beses sumiklab sa Taguig storage facility

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2016 10:25 AM

Watch also in iWantTFC

MANILA – Tinatayang P10-milyon ang halaga ng napinsala ng sunog na sumiklab sa isang storage facility sa Taguig Huwebes ng madaling araw.

Trenta minutos lang sana ang itinagal ng sunog sa isang storage facility sa Veterans Road sa Taguig pero isang oras matapos ideklara ang fireout, muling sumiklab ang apoy at kumalat na sa dalawang palapag ng gusali.

"Bigla silang tumawag rekindle. May bilin kami sa kanila na huwag muna buksan ang electrical connections. Yung owner, nag-attempt buksan ang electrical supply," sabi ni Supt. Jionito Maslang, hepe ng Bureau of Fire Protection ng Taguig.

Na-trap pa sa elevator ang isang tenant ng gusali, pero agad din siyang nailigtas.

Nagsimula ang apoy sa unit ng isang Vinod Vasloani. Iniimbestigahan pa ng mga bumbero ang naging sanhi nito, pero may nakapag-sumbong umano sa security guard ng gusali na ang apoy ay mula sa isang water dispenser.

Magkakatabing storage units ng mga mamahaling produkto ang natupok kasama na rito ang mga sapatos, damit, paintings at carpet.

Aabot sa P10-milyon ang tinatayang halaga ng mga napinsala.

Dahil sa kakulangan ng water supply, tumagal ng limang oras bago naapula ang apoy.

- Umagang Kay Ganda, 14 July 2016

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.