3 lalaki, pinatay sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Jul 14 2016 10:26 AM | Updated as of Jul 14 2016 10:27 AM

Watch also in iWantTFC

MANILA - Patay ang tatlong lalaki sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Caloocan.

Apat na pares ng mga lalaking nakasakay sa motorsiklo ang tinuturong salarin sa pagkamatay ni Fernando Remtillo, alyas Ding, sa Dagat-dagatan bandang alas-11 ng gabi.

Sunod-sunod na nagpaputok ng baril ang mga suspek habang nagsilbing look-out ang isa sa kanila.

Labing limang basyo ng baril ang nakita sa crime scene.

Base sa imbestigasyon, manghihingi lang sana ng kanin sa kapitbahay si Ding nang siya'y paputukan.
     
Ayon naman sa barangay, nasa drug watchlist ang biktima.

Makalipas lang ang ilang oras, apat na beses na tinamaan ng bala naman si Daniel Landicho sa Dagat-dagatan pa rin.

Riding-in-tandem umano ang bumaril sa kanya pero walang gustong magsalita tungkol sa insidente.

Ang alam lang ng mga residente, nagkaroon na ng record sa barangay si Landicho noon dahil madalas umano siyang maghamon ng away.

Sa Camarin, north Caloocan naman, patay rin ang isang lalaki nang barilin habang siya'y nakatayo at naninigarilyo lang.

Inaalam na kung may kaugnayan ang sunod-sunod na pamamaslang sa lugar sa patuloy na imbestigasyon ng mga pulis.

-- Umagang Kay Ganda, 14 July 2016

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.