PatrolPH

Snatcher tiklo matapos sumemplang ang sinasakyang motorsiklo

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2022 07:26 AM | Updated as of Jul 13 2022 09:39 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA (UPDATE)—Nakakulong ngayon ang isang 18-anyos na lalaki matapos mahuling manghablot ng cellphone sa Barangay Doña Imelda, Quezon City nitong Martes ng gabi.

Ayon kay Police Lt. Joseph Canlas, hepe ng Investigation and Detection Management Unit ng Galas Police Station 11, tumakas ang suspek gamit ang motorsiklo matapos na makuha ang cellphone ng biktima pero sumemplang ito.

Nahabol ito ng biktima at sakto rin na may nagro-rondang mga pulis kaya agad na nahuli ang suspek.

Dahil sa pagkatumba ng sinasakyang motorsiklo, nagtamo ng galos sa katawan ang suspek.

Ayon kay Canlas, hindi lang ito ang unang beses nahuli ang suspek dahil sa snatching.

Ngayong taon nahuli rin ito pero dahil menor de edad pa, itinurn over sa DSWD.

Posible ayon sa PNP na may iba pang nabiktima ang suspek sa ibang lugar lalo’t gumagamit ito ng motorsiklo sa kanyang operasyon.

Nasa kustodiya ngayon ng PNP ang ginamit na motorsiklo sa pagtakas ng suspek.

Mahaharap ito sa kasong robbery snatching at paglabag sa R.A 11235 o ang Motorcycle Prevention Act.

Bagama’t may bahagyang pagbaba sa kaso ng snatching sa lungsod na kinasangkutan ng menor de edad simula ng magkapandemya, ayon kay Canlas, kailangan pa ring mag-doble ingat lalo na sa pagamit ng cellphone sa kalsada.

Mas maigi umanong iwasan ito para hindi mabigyan ng pagkakataon ang may masasamang plano. 

Sa E. Rodriguez, Cubao naman, arestado ang 4 na lalaki at 1 babae dahil sa pagsusugal.

Ayon kay Capt. Jovencio Solis Jr., ang duty officer ng Station 7, may nagpaabot sa kanila ng reklamo na may kinalaman sa mga nagsusugal sa isang bahay.

Sa pagresponde ng PNP, naabutan pa ang mga nagsusugal kaya inaresto ang mga ito.

Nakuha ang ginamit na baraha, ang taya sa sugal at ang lamesa na ginamit ng mga inaresto sa sugal.

Bagama't libangan ang paglalaro ng baraha sa karamihan, ayon sa PNP bawal ito lalo na kung may pustahan na ng pera.

“Ang sugal nila ang bet games para siyang pusoy na nagpapataasan ng, parang winner take all ang laro nila” dagdag ni Jovencio.

Mahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o illegal gambling.

Nagbabala ang PNP na iwasan ang ganitong bisyo lalo’t kung mahuhuli nasa P30,000 ang piyansa. – Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.