PatrolPH

Tensyon sumiklab sa Calapan Port dahil sa pagpapalit ng cargo handlers

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2021 01:26 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA— Sumiklab ang tensyon sa Port of Calapan sa Oriental Mindoro nitong Lunes matapos magpalit ng bagong port service provider na dating pinapatakbo ng lokal na kooperatiba roon.

Ayon kay Jay Santiago, general manager ng Philippine Ports Authority, nai-award noong Hunyo 30 ang service provider contract sa bagong kompanya na Prudential Customs Brokerage Services Inc. (PCBSI).

Wala nang bisa aniya ang hold-over authority ng Calapan Service Development Cooperative (Calsedeco) dahil sa pagpasok ng PCBSI.

Napaso na noong 2016 ang kontrata ng Calsedeco at binigyan lamang ng hold-over authority para hindi maantala ang operasyon sa Calapan Port, dagdag ni Santiago.

Tumaas ang tensyon nitong Lunes nang subukan umano ng mga empleyado ng PCBSI, kasama ang port police, na palitan ang cargo handling and forwarding operations sa Calapan Port.

Tinutulan umano ito ng mga empleyado ng Calsedeco dahilan para makialam ang ilang mambabatas.

Ayon sa balita ng Manila Times, sinabi ng Calsedeco na posibleng mawalan ng trabaho ang nasa 200 empleyado nito at maapektuhan ang kanilang 11,000 miyembro.

Pahayag naman ng PPA, kukunin ng bagong service provider ang mga kuwalipikadong port workers sa Calapan.

"Isa sa mga obligasyon nila 'yan na kunin at tanggapin 'yung mga kuwalipikadong port workers," ani Santiago.

Sa desisyon na ipinalabas itong Lunes, ibinasura ng Regional Trial Court Branch 22 sa Maynila ang petisyon na temporary restraining order ng Calsedeco.

"Ito po ang lalong nagpapatibay na walang awtoridad ang Calsedeco bilang cargo handling operator ng Calapan Port. Nawa po ay igalang ng lahat ang batas," ayon sa pahayag ng PPA-Mindoro sa Facebook.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.