Mga pamilyang lumikas dahil sa lindol sa Leyte, nadagdagan pa

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2017 03:16 AM | Updated as of Jul 13 2017 12:45 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Umabot na sa mahigit 5,000 pamilya ang nananatili sa evacuation center sa Leyte.

Nadagdagan pa ang lumikas dahil sa preemptive evacuation sa isang barangay sa Ormoc na delikado sa landslide dahil sa ulan at patuloy na aftershocks.

Mula sa tinitirahang mga tent sa barangay Danao sa Ormoc City, pinalipat sa gymnasium ng barangay Dolores ang halos 100 pamilya kanina.
    
Delikado umano sa landslide ang lugar dahil sa panaka-nakang pag-ulan at patuloy na aftershocks na nagpapalambot sa lupa.

Ang Sitio Maglahog naman sa Barangay Gaas, Ormoc City, mga sundalo at hayop na lang ang makikita.

Pinalikas na rin ang mahigit 100 pamilya sa sitio dahil sa pangambang tuluyang gumuho ang kanilang mga bahay na nasira ng lindol.

Sa tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)- Eastern Visayas, umabot na sa 5,120 families ang apektado ng lindol.

Isa sa mga nasira ang bahay ng kapitan kung saan pansamantalang inilipat ang klase nang magkabitak ang kanilang eskuwelahan noong Huwebes.

Pero habang nagkaklase noong Lunes, nabagsakan ng dingding ang isang 11 anyos na estudyante nang yumanig ang malakas na aftershock.

Nakatakdang ilipat sa Cebu ang pasyente para matingnan ng spine surgeon.

Natuloy naman ang balik-eskuwela sa Tacloban City kaya tiniyak ng City Engineer's Office na ligtas gamitin ang mga classroom.

Pero ayon sa Department of Energy, posibleng abutin pa ng Agosto bago maibalik ang normal na suplay ng kuryente sa Leyte, Samar, at Bohol.

--Ulat ni Melanie Bingco, ABS-CBN news

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.