Emergency loan, calamity loan, bukas sa mga taga-Marawi at Ormoc

ABS-CBN News

Posted at Jul 12 2017 09:29 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Nagsimula nang magbigay ng emergency loan ang Government Service Insurance System (GSIS) sa mga miyembro nito na taga-Marawi City.

Ginawa ito ng ahensiya kahit hindi pa idinideklara ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) na nasa 'state of calamity' ang lungsod, na isa sa requirement para mag-apruba ng mga calamity relief assistance.

Paliwanag ni Atty. Nora Saludares, OIC ng GSIS, hindi pa makapagpulong ang local government unit (LGU) ng Marawi dahil sa patuloy na bakbakan sa lungsod kaya nagdesisyon silang aprubahan na ang pagbibigay ng loan para matulungan agad ang mga miyembro nilang apektado ng giyera.

Nasa P60 milyon na ang naipautang nila sa mahigit 2,000 miyembro at pensioners simula noong isang linggo.

Sa mga first-timer at mga pensioner, maaaring makautang hanggang P20,000 para sa emergency loan at P40,000 naman para sa mga may loan balance.

Sa Agosto 3 na ang deadline para maipasa ang loan application.

Hindi rin magiging problema kung wala na ang ID o ang iba pang dokumento.

Pwede rin mag-over-the-counter sa mga GSIS office sa labas ng Marawi tulad ng Iligan, Cagayan de Oro at Malaybalay.

Ang Social Security System (SSS) naman, hinihintay pa ang deklarasyon mula sa NDRRMC pero handa na rin sila sa mga nais mag-avail ng calamity loan assistance na hanggang P16,000, advance three-month pension, at meron ding pagpapagawa ng bahay na hanggang P1 milyon.

Kailangan lang na may patunay na residente ng Marawi.

Ayon sa SSS, makikipagtulungan sila sa mga barangay at magbibigay sila ng konsiderasyon sa kanilang mga miyembro.

Sa Ormoc, parehong emergency loan ang alok ng SSS at GSIS matapos isailalim sa 'state of calamity' ang lungsod dahil sa lindol.

Uumpisahan ang pagbabayad ng mga nangutang makalipas ang tatlong buwan matapos maaprubahan ang loan.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.