PatrolPH

Pagkalat ng langis sa nagkabanggaang barko, patuloy na pinipigilan

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2021 10:47 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Mahigit isang araw nang nakataob sa laot ng Baseco Beach sa Tondo, Maynila ang cargo vessel na MV Palawan Pearl na nakasalpukan ang isang foreign multi-purpose vessel Huwebes ng madaling-araw.

Nasa mga 100 metro ang layo ng barko mula sa baybayin. Kalahati nito ang nakalubog pa rin sa tubig.

Hindi ito nilalapitan ngayon ng mga mangingisdang pumapalaot pa rin sa Manila Bay mula Baseco.

Nangangamba ang ilan sa posibleng epekto ng oil spill mula sa barko na may 3,000 litro ng diesel sa storage tank nito.

Sa huling inilabas na ulat ng Philippine Coast Guard, galing Commander’s wharf sa Baseco Compound ang MV Palawan Pearl at patungong El Nido, Palawan.

Patungong Bulacan naman ang tumama rito na multipurpose vessel BKM 104 na nakarehistro sa bansang Cyprus.

Ayon sa skipper ng MV Palawan Pearl na nakausap ng Coast Guard, sinubukan nilang iwasan ang multi-purpose vessel na galing sa kaliwa ng barko nila at bumibiyahe ng 10 knots.

Tumama ito nang dalawang beses sa port side o kaliwang bahagi ng cargo vessel kaya tumaob ito.

Walang nasaktan sa insidente.

Sabi ni Commodore Armand Balilo, patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon sa insidente.

Magsasagawa sila ng salvage operations sa barko at makikipagpulong din sa mga may-ari nito.

Naglagay ng oil spill boom sa paligid ng barko dahil sa nakitang oil sheen o manipis na palatandaan ng langis, pero noong Biyernes ng umaga inanod ito ng tubig papalapit sa barko.

- TeleRadyo 9 Hulyo 2021 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.