576 pamilya, pinalikas dahil sa banta ng landslide

ABS-CBN News

Posted at Jul 09 2017 08:28 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

- Posibleng abutin pa ng 10 araw bago tuluyang maibalik ang supply ng kuryente sa mga lugar na apektado ng lindol
- Relokasyon ang hiling ng ilang residenteng nawalan ng bahay sa pagyanig
- Inalala ng mga kaanak ang ginang na nasawi habang sinasanggahan ang anak mula sa guho 

Tatlong araw matapos ang magnitude 6.5 na lindol sa Leyte, pinalikas ng mga awtoridad ang 576 pamilya mula sa barangay Milagro, Ormoc City dahil sa banta ng landslide.

Inabisuhan ng City Disaster Risk Reduction Management Council ang barangay na ilikas ang mga nakatira malapit sa mga nabitak na lupa dahil delikado itong gumuho.

Nasira rin ang bagong foot bridge sa barangay Naungan na kakabukas pa lang sa publiko ngayong taon.

Apela ng evacuees na matulungan sila sa kanilang pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, at gamit ng mga bata.
    
Sa ngayon, nagbigay na ng paunang tulong ang Department of Social Welfare and Development.

Isinusulong naman ng Eastern Visayas Regional Development Council na pag-aralan ang mga hakbang para matiyak na maibabalik agad ang supply ng kuryente sakaling maulit ang ganitong kalamidad.

Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, posibleng abutin pa ng 10 araw bago tuluyang maibalik ang supply ng kuryente sa mga lugar sa Leyte na naapektuhan ng lindol.

Sa barangay Kabawan-an sa Ormoc City naman, naninirahanan ang mahigit 100 pamilya sa mga tolda matapos wasakin ng lindol ang kanilang mga bahay. 

Humihingi ng tulong ang mga residente para makahanap ng relokasyon dahil hindi na sila makababalik pa sa kani-kanilang bahay. Nangangamba kasi silang pinalambot na ng lindol ang lupang kinatitirikan ng mga tirahan.

Sa mga tent kasalukuyang tumutuloy ang mga naapektuhang residente. Naghahanap na rin ang lokal na pamahalaan ng Leyte ng mapaglilipatan sa kanila.

Ginang na nasawi habang inililigtas ang anak, inalala ng mga kaanak

Samantala, nakaburol na ang labi ni Rhissa Rosales na namatay nang madaganan ng gumuhong pader sa bahay ng kaniyang biyenan. 

Nadaganan si Rosales habang yakap ang apat na buwang gulang na anak na sinasanggahan niya mula sa guho.

Laking panghihinayang ng ina ni Rosales na di man lang niya nakausap at nahagkan ang anak bago pumanaw.

Kasama ng biktima noon ang kaniyang biyenan. Kuwento ng biyenan, halos kalahating oras pa ang lumipas bago nakuha si Rosales mula sa guho.

 --Ulat nina Ranulfo Docdocan at Jorge Cariño, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.