PatrolPH

Ilang bike repair station sa NCR hindi na napapakinabangan

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2022 07:23 AM | Updated as of Jul 07 2022 07:53 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Kasunod ng pagdami ng mga siklista noong umpisa ng pandemya, sabay-sabay ring nsulputan ang mga libreng bike repair stations sa gilid ng kalsada.

Ito ay maliliit na mga estante na makikita sa ilang mga pangunahing kalsada kagaya ng Commonwealth Ave., Aurora Blvd., at iba pa.

Karaniwang tampok dito ang ilang mga tools o kagamitang kailangan ng mga nagbibisikleta para sa pagpapalit o pag-aayos ng gulong ng kanilang mga bisikleta.

Pero ang ilan sa bike repair stations na ito, matapos ang halos isang taon, ay hindi na mapakinabangan.

Sira-sira na at wala na ang mga nakakabit na tools kagaya ng vise-grip, pambomba ng gulong, wrench at iba pa.

Nangalawang na rin ang bike repair stations na ito sa Commonwealth Ave. at maging sa Aurora Blvd.

Pati ang isang bike repair station sa Navotas, nawala na rin ang mga nakakabit na mga gamit.

Ikinadismaya ito ng ilang mga may-ari ng bisikleta na aminadong malaking tulong ang mga libreng repair stations dahil kapag minsan ay nasisiraan sila ng mga bike sa gitna ng kanilang biyahe.

Bantay-sarado naman ng mga tauhan ng MMDA ang kanilang bike repair station sa EDSA na pinasinayaan noong nakaraang mga linggo.

Tampok sa kanilang bike repair station ang mga kagamitan na kanilang kailangan para sa pag-aayos ng mga gulong, kagaya ng air compressor, heat press, vulcanizing patches, vise-grip, wrench set, at iba pa.

Libre rin ito para sa mga siklista at maging mga motorista.

Bukas ang repair station mula alas-5 ng umaga hanggang alas 9 ng gabi.

Target ng MMDA na magkaroon pa ng iba pang repair stations sa iba pang lugar sa EDSA at maging sa Roxas Blvd. - Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.