Fish kill sa Taal Lake walang kinalaman sa sulfur dioxide ng bulkan: BFAR
ABS-CBN News
Posted at Jul 07 2021 10:00 AM
MAYNILA - Nilinaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Region IV na ang sulfur dioxide na inilabas ng Bulkang Taal ay walang kinalaman sa fish kill sa Taal Lake.
“Wala po siyang link doon,” pahayag ni BFAR IV Regional Director Sammy Malvas.
Sa panayam sa TeleRadyo Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Malvas na naging sanhi ng fish mortality ang mababang lebel ng dissolved oxygen at mataas naman na concentration ng ammonia.
“Ang ammonia result ng decomposition ng organic matter. Pwede rin po yung ibang nagde-decompose na organic matter sa lawa. Halimbawa po yun mga naggo-grow na algae tapos nagda-die off pag nag-decompose po yun nakaka-consume din po sila ng oxygen,” paliwanag ni Malvas.
Tiniyak naman ni Malvas na ligtas pa rin kainin ang mga isdang nahuhuling buhay sa lawa.
“Yun pong nahuling buhay ay safe pong kainin. Pero, pag yung patay na halimbawa, kasama sa fish kill, ay hindi na po siya safe. Hindi na natin ina-advice na dalhin pa sa palengke o sa bahay para lutuin o iulam,” sabi niya.
Sa tala ng BFAR, nasa 109 tonelada ng mga tilapia at bangus ang namatay, na nagkakahalagang P9 milyon.
“Pag nakikita natin sa analysis na medyo critical yung ibang parameters ay nag-aadvice tayo ng ganun sa mga operators, yung pwede nang iharvest, kung meron pong pagkakataon na iharvest, kasama po sa ating recommendation na kung pwede na nilang iharvest,” sabi niya.
Handa naman aniya silang tumulong sa mga apektado ng fish kill sa tulad ng pagbibigay ng fingerlings sa mga fish cage operators kapag sila ay handa na muling maglagay ng mga similya.
Patuloy din ang BFAR sa pagsasagawa ng regular na monitoring at water sampling para mabantayan at agad na makapagbigay ng abiso sa mga operators.
- TeleRadyo 7 Hunyo 2021
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Taal Volcano, Bulkang Taal, Taal Volcano update, BFAR, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Fish Kill, Tagalog news, Regional news, TeleRadyo