Higit 150 street dwellers nasagip sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2020 07:32 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Higit 150 na mga street dwellers o yung mga natutulog sa lansangan ang sinagip sa malawakang rescue operation ng pulisya at mga social workers sa Maynila.

Ayon kay Lt. Col. Carlo Magno Manuel, Manila Police District public information officer, inikot nila ang iba't ibang kalsada matapos iutos ni Manila Mayor Isko Moreno na bantayan ang mga lansangan at mailipat ang mga street dwellers sa mas maayos na lugar.

Nais din umano kasi ng pulisya na maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 kaya kailangan din na hindi nagkukumpulan ang mga tao sa iisang lugar.

Sa magdamag na operasyon, nasagip ang mga street dwellers mula sa iba't ibang kalsada kagaya ng sa R10, Roxas Boulevard, Quirino Avenue at iba pa. Pinakamaraming nasagip umano ang pulisya sa Moriones kung saan 55 katao ang ililpat ng pinaglalagian.

May mga bata at may senior citizens rin sa mga nasagip.

Dinala na sila sa Delpan Sports Complex, San Andres Sports Complex, at Boys Town sa Marikina.--Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News