Walang cellphone, walang pang-load: Mga tsuper hirap makabalik pasada dahil walang QR code

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2020 10:54 AM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA — Nahihirapan ang ilang mga tsuper sa pagbabalik pasada dahil sa kawalan ng internet access at cellphone para makagamit ng QR code, ayon sa national president ng isang transport group nitong Lunes. 

Ayon kay Mar Valbuena ng Manibela, batay sa guidelines sa kanilang pagbabalik pasada ay kinakailangan nilang makuha ang QR code sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board website na gagamitin sa kanilang pagbiyahe.

"'Yung mga kasamahan po nating driver wala naman pong access sa internet, wala naman pong mga digital [devices] na magagamit sa kanilang mga jeepney katulad po ng mga mobile phone na ginagamit po natin ngayon na makakapag-access po sila sa internet," sinabi ni Valbuena sa ABS-CBN Teleradyo.

"'Yung ating mga kababayang tsuper halos naibigay, naibenta, naisangla na po ‘yung mga gamit nilang mga cellphone at wala rin naman pong access talaga sa internet dahil wala rin namang pang-load na ‘yung ating mga kababayan. 'Yun po ang napakahirap," dagdag pa niya.

Ayon kay Valbuena, tila parang mga scientist ang LTFRB at Department of Transportation at pinag-eeksperimentuhan ang mga tsuper na ang tanging hanapbuhay lang ay pamamasada.

“Iniipit po talaga nila kami. Dinedelay po nila ‘yung pagbiyahe at maisakatuparan nila ‘yung kanilang mithiin na mamodernize at ma-phaseout po ‘yung aming mga sasakyan,” ani Valbuena.

"Minamasaker po nila ang kabuhayan ng ating mga maliliit na kababayan na ang hanapbuhay lang po ay ang pamamasada. ‘Yan po ang napakahirap, gutom po ang inaabot po natin ngayon,” dagdag pa niya. 

Hiling ni Valbuena na huwag nang pahirapan ang mga tsuper at tanggalin na ang paggamit ng QR code at internet para makabalik sa biyahe.

Dagdag pa niya, handa pa rin naman ang mga tsuper na bumalik sa pamamasada at gumagastos ang isang sasakyan ng P3,000 mula sa ambagan o kaya’y utang para sa mga barriers at maayos na sanitation nito.

“Sana po tuluyan nang tanggalin ‘yan para tuloy-tuloy nang makabiyahe lahat ng ating mga tsuper sa jeepney tsaka po sa mga UV Express kasi po marami na pong nagugutom na ngayon,” ani Valbuena.

“Sa panahon po ng pandemya dapat tinutulungan po muna kaming makabalik sa hanapbuhay. Lalung-lalo na’t wala naman silang maibigay na sapat na ayuda.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.