PatrolPH

Sirang kalsada reklamo ng mga residente ng Manggahan sa Rodriguez, Rizal

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2022 11:14 AM | Updated as of Jul 05 2022 08:53 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Nagrereklamo na ang mga residente ng Manggahan, Rodriguez, Rizal.

Ang kanilang kalsada kasi halos hindi na madaanan ng mga residente lalo na kung tag-ulan.

Bukod sa sira ang kalsada, maputik ito tuwing maulan. Apektado nito ang mga dumadaang motorista.

Ang mga papunta sa bayan, kailangang sumakay ng tricycle para makaiwas sa putik.

Ilan sa mga nagrereklamo ang mga naninirahan sa gilid ng kalsada, lalo na ang mga may negosyo.

Imbes kasi makabenta, umiiwas na ang mga kostumer dahil sa putik.

“Minsan naaapektuhan ang mga paninda natin gawa ng alikabok tapos 'pag umuulan sir 'di makadaan ang costumer dahil natatakot sila sa putik,” ayon sa may-ari ng tindahan na si James Gonzales.

Kung tag-init naman, alikabok ang kalaban ng mga residente.

“Panay putik tapos kapag tag-araw panay alikabok," reklamo naman ng residente na si JonJon Manuel.

Ang tinuturo nilang dahilan ng pagkasira ng kalsada at putik ang mga dumadaang trak.

Ayon sa barangay kagawad na si John Christopher Manuel, marami ang mga dumadaang trak kaya madaling masira ang kalsada.

Nasa 50 ang dumaan na truck dito na naghahakot ng mga galing sa quarry sites sa lugar.

Agarang aksyon ng bagong namumuno sa Rodriguez, Rizal ang hiling ng mga apektadong residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.