Ilang Pilipino sa Hong Kong nanghihingi ng COVID-19 care packs

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2022 02:40 PM

Watch more News on iWantTFC

Humihingi ng COVID-19 care packages ang ilang Pilipino sa Hong Kong bunsod ng pagtaas ng kaso ng coronavirus.

Ayon kay Dolores Balladares-Pelaez, chair ng United Filipinos in Hong Kong, umabot sa mahigit 2,000 ang COVID-19 cases noong nakaraang linggo.

"Totoo po 'yun merong mga ilang kababayan tayo na nanghingi ng mga support kasi nga nagbagyo 'di sila makalabas tapos 'yung... buong pamilya, employer at saka mga anak, ay nag-positive [sa COVID-19]," aniya sa panayam sa TeleRadyo Martes.

Ani Pelaez, nagbigay sila ng COVID-19 care package sa isang OFW na naiwan sa bahay habang ang employer nito ay umalis.

Matatandaan na may ilang OFW noon na tinanggal sa kanilang trabaho o hindi sinuportahan ng kanilang employer matapos magpositibo sa COVID-19.

"So far, wala na pong report ng ganung kaso," ani Pelaez.

"Noong nakaraan, medyo marami-rami dahil meron pang na-terminate pero dahil na-address natin ng mabilis, napaabot natin sa government ng Hong Kong, tapos naging balita, so nabawasan," dagdag niya. 

Dati namang nagbibigay ang Overseas Workers Welfare Administration ng US$200 sa mga kwalipikadong OFW na tinamaan ng COVID-19. 

Nang sumipa ang mga kaso ng coronavirus sa Hong Kong noong Pebrero, naghatid din ng pagkain, hygiene kits, at power banks ang Philippine Overseas Labor Office sa mga Pilipinong nagkasakit.