Mga lumikas sa Taal, pinapayagang bumalik saglit ng kanilang bahay

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2021 08:09 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Nananatili pa rin sa evacuation sites ang mga nagsilikas na residente mula sa mga ilang mga lugar sa bayan ng Laurel sa Batangas na posibleng maapektuhan ng pagaalburoto ng bulkan.

Ito ay kasunod na rin ng pagdeklara ng Phivolcs ng Alert Level 3.

Sa ngayon ay pinapayagan pa ng lokal na pamahalaan ng Laurel na makabalik sa mga bahay ang mga lumikas na residente. 

Pero tanging heads of household lamang ang pwedeng lumabas at kailangang pumirma sila sa isang waiver. Kailangan makabalik sila sa evacuation center sa loob ng 3 oras.

Maaari silang lumabas simula ng alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Ang mga lumikas ay mula sa mga barangay ng Buso-buso, Gulod at Bugaan East na nasa loob ng 7 kilometer radius danger zone ng bulkan.

Bukod sa 5 evacuation centers sa matataas na lugar sa bayan, may ibang inilikas naman sa mga bayan ng Nasugbu sa Batangas at bayan ng Alfonso sa Cavite.

Patuloy naman ang pagbuga ng puting usok ng bulkang Taal na ayon sa Taal Volcano Observatory bahagi ito ng gas upwelling na nagpatuloy sa magdamag.

Umabot sa 2,100 meters ang taas ng naibugang plume bandang alas-5 ng umaga ng Sabado.

Tiniyak ni Laurel Mayor Joan Amo na matagal na nilang pinaghahandaan ang pag-aalburoto ng bulkan. Sa katunayan, may ordinansa na sa bayan ang paghahanda ng pamilya ng Go Bag na may lamang first aid kit at pang tatlong araw na pagkain.

Sa ngayon ay 3 lamang ang COVID-19 active cases sa Laurel kaya kahit mahirap, sinisikap ng lokal na pamahalaan na maipatupad ang mga health and safety protocols sa mga evacuation centers. Bawat evacuee ay kinukuhanan muna ng temperatura bago pinapapasok ng evacuation center. 

Ayon sa Municipal Health Office, hindi na nila isinasailalim sa antigen o RT-PCR test ang mga evacuees dahil sa limitadong test kits. Pero oras na makitaan ng sintomas ang isang evacuue ay agad siyang ililipat sa isolation area at itetest.

Dumating naman nitong Biyernes si Social Welfare Secretary Rolando Bautista sa Laurel at nangakong magbibigay ng 10,000 family packs sa bayan. — TeleRadyo 3 Hulyo 2021