1 patay, 1 sugatan sa salpukan ng kotse, truck sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2020 06:21 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Dead-on-arrival sa ospital ang isang lalaki habang sugatan naman ang kanyang kasamahan matapos sumalpok ang sinasakyan nilang kotse sa isang 12-wheeler truck sa Commonwealth Avenue, Barangay Old Balara, Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Police SSgt. Leonardo Policarpio ng QC Traffic Sector 5, ang namatay ay si Jayson Macosme habang ang sugatan naman ay si Jherlon Romualdo.

Kwento ng driver ng truck na si Ferdie Velasquez, galing siya ng Rizal at papunta sana sa pier para magbagsak ng buhangin, nang salpukin ng kotse ang likurang bahagi ng kanyang truck alas 10:30 ng gabi.

Sa lakas ng pagkakabangga ay yuping-yupi ang kaharapang bahagi ng kotse habang nasira bumper ng 12 wheeler.

Aminado ang driver ng kotse na nakainom sila nang mangyari ang aksidente.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang driver, habang nasa QC traffic sector 5 na ang mga sasakyang sangkot sa aksidente.--Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.