Pag-aalburoto ng bulkang Taal, panibagong dagok sa kabuhayan ng mga residente

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2021 04:15 PM

Watch more on iWantTFC

Magkahalong takot at pangamba sa kabuhayan ang nadarama ng ilang mga residente ng Batangas kaugnay sa paglikas dahil sa pagaalburoto ng bulkang Taal.

Nakaranas na po kami ng putok ng bulkan, ayaw na po naming maulit ang ganun," sabi ni Nesita Alsedo.

Matapos ang paglilikas ng mga residente ng bayan ng Agoncillo, Batangas nitong Huwebes ng gabi, may ilang mga mangingisda naman ang nagsibalikan pa rin sa laot para puntahan ang mga fish cage para pakainin ang kanilang mga alagang tilapia.

Hindi umano sila masaway dahil may kabuhayan silang kailangang alagaan. Ang kanilang mga pamilya ay lumikas na sa Barangay Bilibinwang at Barangay Banyaga sa bayan ng Agoncillo.

Bantay-sarado na ng mga pulis ang dalawang barangay para matiyak na walang masasamang-loob na makakapasok at magsasamantala sa sitwasyon dahil maraming mga bahay ngayon ang abandonado matapos ang paglikas ng mga residente doon.

“Natatakot din, amoy gas,. Baka magkabiglaan, magaling na lumikas na kaagad,” sabi ni Cirelo Sarmiento.

Samantala nagbukas na ang mga simbahan sa iba’t ibang panig ng Batangas, maging ang mga eskuwelahan para tumanggap ng evacuees mula sa mga bayan ng Laurel at Agoncillo.

Bagamat bukas ang mga evacuation center, marami sa mga lumikas ang piniling makitira muna sa mga kamag-anak.

Dalawang barangay lang sa Agoncillo at tatlong barangay naman sa Laurel na nasa 7 kilometer danger zone ang ipinag-utos na lumikas dahil sila ang posibleng maapektuhan ng pagaalburot ng bulkan.

 - TeleRadyo 2 Hulyo 2021