Tiyahin ni Robin Padilla, nanakawan ng mahigit P2 milyon

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2017 04:21 AM | Updated as of Jul 01 2017 04:31 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Mahigit P2 milyong halaga ng pera't alahas ang natangay mula sa tiyahin ni action superstar Robin Padilla. Muntik pang mailipat sa pangalan ng suspek ang mga titulo ng lupa ng biktima.

Galit ang tiyahin ni Robin Padilla na si Pilar Padilla-Brooks nang makaharap ang dati niyang kasambahay na si Jenifer Palomo at mga kasabwat niya sa umano’y pagnanakaw sa kaniyang mga ari-arian sa Quezon City.

Noong una, pinalabas ni Palomo na pinasok ang bahay ni Padilla-Brooks habang nasa Amerika ang biktima.

Sinabi ng suspek na dalawang lalaki ang pumasok sa bahay at kinuha ang mga pera at alahas. Pero nakita sa CCTV footage na isang lalaki lang ang pumasok sa bahay.

Kinalaunan, inamin din ni Palomo na planado niya ang pekeng nakawan at siya mismo ang nagnakaw kasama ang dalawang suspek na sina Noel Avila at Judy Sedrome.

Nadiskubre rin na nakapag-withdraw sa bangko si Palomo gamit ang pekeng pirma at muntik pang mailipat sa pangalan niya ang mga titulo ng lupa.

Inimbitahan din ang lima pang persons of interest habang nahaharap sa kasong robbery at qualified theft ang tatlong suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.