Mga kaso ng COVID-19 sa Pateros, bahagyang tumaas

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2022 09:45 AM

Watch more News on iWantTFC

MANILA – Bahagyang tumaas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Pateros, ayon sa mayor nitong is Miguel “Ike” Ponce III. 

“Matagal kaming 0 COVID kaya itong mga huling araw, itong last week nagkaroon ng konti. Ngayon ay meron kaming 9 cases lang naman,” kuwento ng punong-lungsod.

Ayon kay Ponce, dalawa sa mga ito ay nasa isolation facility dahil sa takot na makahawa ng mga kasama sa bahay. 

“Pero yung 7 ay nasa bahay lang naman dahil pwede rin namang ma-isolate sa bahay. Ang kagandahan dito ay asymptomatic lahat ‘tong 9 na ‘to,” aniya.

Dagdag pa ni Ponce, tuloy-tuloy ang pagbibigay ng COVID-19 booster doses sa kanilang lugar.

“Actually yung ating booster ay isa sa pinakamataas sa Metro Manila na in terms of percentage ng population,” sabi niya.

Pero aniya, kailangan pa rin nilang kumbinsihin ang kanilang mga kababayan na kumuha pa ng booster kontra COVID.

Sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, hindi sang-ayon si Ponce na payagan na ang optional na pagsusuot ng face masks sa ilang lugar.

“Hindi pa rin muna ako sasang-ayon na tanggalin ‘to kapag outdoor dahil kailangan nga, kailangan pa rin natin ng proteksyon.”

“Siguro bigyan pa natin ng mga dalawang linggo hanggang isang buwan. ‘Pag talagang makita natin na wala talaga naman pagtaas, eh baka unti-unti pwede namang magluwag na tayo,” aniya.

--TeleRadyo, 29 June 2022