PatrolPH

Dalaga patay matapos mabangga ng van sa Shaw Boulevard

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2022 06:50 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA – Nabalot ng kalungkutan ang isang pamilya sa Mandaluyong City matapos mabangga ang isang miyembro nila ng isang van na ikinasawi nito.

Lunes ng madaling-araw namatay si Emelour Aquino, 21, matapos na mabangga ng van sa kahabaan ng Shaw Boulevard sa Mandaluyong.

Kuwento ng tatay ng biktima na si Ricky Aquino, base sa imbestigasyon ng Mandaluyong PNP, naglalakad sa kalsada ang kanyang anak kasama ang dalawang kaibigan nang mahagip ito ng van.

Sa lakas ng pagkakabangga tumilapon pa ng ilang metro ang biktima. Dead on the spot ito, ayon sa PNP.

Dagdag ng PNP, naka-inquest na ang 20-anyos na suspek na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Pursigido ang pamilya na ituloy ang kaso laban sa suspek.

Ayon sa ama ng biktima, mahirap tanggapin ang maagang pagkamatay ng anak nito na marami pa sanang pangarap para sa pamilya.

Nagta-trabaho ito sa isang warehouse para makatulong sa pamilya.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.