Mga pamilyang naulila ng 'war on drugs', kumusta na?

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2017 05:44 AM | Updated as of Jun 30 2017 09:43 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Kinumusta ng ABS-CBN News ang pamilyang naulila at ang kalagayan ng kaso ng dalawa sa mga unang napatay sa pagsisimula ng 'war on drugs' ng administrasyong Duterte noong isang taon.

Samantala, dinepensahan naman ni Presidential Spokesman Ernesto Abella si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kritikong pinupuna ang pagbibigay ng higit na atensIyon sa 'war on drugs', imbes na ang pag-aksiyon sa nauna na nitong natanggap na banta ng terorismo. 

Madaling araw ng Hulyo 7, 2016, ilang araw matapos ilunsad ang 'war on drugs' ng gobyerno, dinala sa Pasay police station ang mag-amang Renato at JP Bertes. 

Nahuli ang dalawang nagka-cara y cruz, at nang kapkapan, nakuhanan ng mga sachet ng shabu, ayon sa mga pulis. 

Nagpunta sa istasyon ng pulis ang misis ni JP na si 'Harra' upang ireklamo ang umano'y ilegal na pag-aresto sa kanyang asawa at manugang. 

Kinahapunan, napatay ang mag-ama sa labas ng kanilang selda. Nagtangka umanong agawan ng baril ang dalawang pulis. 

"Expected ko, madadalaw ko siya sa presinto. Manganganak ako, pero buhay siya 'yung expected. 'Yung mawawala siya, di ako handa," ayon kay 'Harra'.

Dumulog sa Commission on Human Rights (CHR) si 'Harra' at umabot sa Senado ang imbestigasyon. Lumabas na tigtatlong tama ng bala ang tinamo ng mag-ama. 

Nag-imbestiga din ang pulisya at nagsampa ng kasong murder sa Pasay City Prosecutor's Office laban kina PO2 Alipio Balo at PO1 Michale Tomas noong Agosto. 

Sa mismong araw ng Senate hearing nitong Abril, pormal nang sinampahan ng kasong murder sa korte ang dalawang pulis, at agad naglabas ang korte ng warrant of arrest. 

"Oo, nabagalan ako. Naiintindihan ko rin naman sila. Di rin naman kasi ako lang ang kanilang kaso. Marami kami," ani 'Harra'.

Sa tala ng Philippine National Police Internal Affairs Service, sa 2,000 operasyong kanilang inimbestigahan, nasa 1,000 ang umabot sa administrative proceeding, habang nasa 159 mga pulis ang inirekomendang tanggalin sa serbisyo. 

Sa imbestigasyon naman ng CHR, sa halos 300 drug operation na kanilang inimbestigahan laban sa mga pulis, tatlo pa lamang ang naipasa sa Ombudsman. 

Kasabay ng pag-usad ng kaso, batid ni 'Harra' na may banta sa kanilang buhay. Kasalukuyan pa kasing pinaghahanap ang dalawang pulis. 

"Hindi sila titigil hangga't hindi ako nawawala, na tumikom bibig ko, pero sorry na lang sa kanila. Hangga't nabubuhay ako, lalaban at lalaban pa rin ako," giit ni Harra. 

Bago pa man mapatay ang mister, kinuwento na ni Harra ang kanyang pangambang lalaki ang batang kanyang dinadala na walang ama.

Sa kabila nito, determinado siyang palakihin nang maayos ang kanyang dalawang anak habang hinahanapan ng hustisya ang kanilang ama. 

Duterte dinepensahan sa 'war on drugs' 

Maraming kritiko naman ni Pangulong Duterte ang nagsabing hindi masyadong napagtuunan ng pansin ang pagsawata sa terorismo dahil masyadong nakatuon ito sa 'war on drugs'. 

Ayon naman sa tagapagsalita ng Pangulo na si Ernesto Abella, pinaghanda naman ni Duterte noong isang taon pa ang mga tropa ng gobyerno tungkol sa posibilidad ng pag-atake ng mga terorista. 

"As early as August last year, one-and-a-half months after PRRD assumed the presidency, the President already told the Philippine military to be ready with ISIS and warned that the country would be plagued with the ISIS disease," ani Abella. 

Binasa rin niya ang bahagi ng talumpati ni Duterte sa Zamboanga del Sur noong Agosto 2016 kung saan nagbabala ang pangulo tungkol sa ISIS: "I see a looming problem: in three to seven years from now, magka-problema tayo sa ISIS. In some parts of Mindanao, may tao na puti and I suppose yung mga Arabo na. They're here as missionaries, wala'y sila armas but they're into indoctrination."

Iginiit ni Abella na nakita na ng pangulo ang maaaring panganib na dala ng presensiya ng ilang mga tao. 

"As early as August last year, nakita na ng Presidente yung mga inherent, yung mga looming dangers dahilan sa presensiya ng ilang mga tao na mukhang ang kanila namang dala-dala ay hindi bala kundi bala para sa utak. It is [for] indoctrinating people and trying to bring people in their particular ideology which is not Muslim, but it is a radical form of extremism," aniya.

-- May ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.