PatrolPH

Ilang QC tricycle driver balak na huminto sa pamamasada dahil sa taas-presyo ng gasolina

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2022 11:57 AM | Updated as of Jun 28 2022 12:25 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Balak ng ilang tricycle driver sa Barangay Pinagkaisahan, Quezon City na huminto sa pamamasada at maghanap ng ibang trabaho dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

May P0.50 taas-singil sa gasolina Martes pero para sa ilang tricycle drivers, malaking bagay pa rin ito dahil ilang linggo na ring walang rollback sa presyo ng langis.

Dati, aabot sa 50 ang miyembro ng TODA sa Barangay Pinagkaisahan na bumibiyahe. Ngayon, nasa 20 nalang ang pumapasada sa kanila. 

Karamihan ay ibinenta na ang mga tricycle at nag-iba na ng trabaho dahil malaki ang lugi sa mga nagdaang buwan.

Aprubado na ng Quezon City LGU ang taas-pasahe sa mga tricycle drivers. Kapag inimplementa ito, magiging P30 na ang isang trip.

Umaasa ang mga tricycle driver na sa pagpasok ng bagong administrasyon ay magawan ng paraan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at mga bilihin. 

— Ulat ni Nico Bagsic, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.