Lingkod Kapamilya: Construction worker, tutulungan ng Maynila makauwi sa ina na biktima ng bagyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2020 11:33 AM

Watch also in iWantTFC

Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno ngayong Biyernes na tutulungan ng lokal na pamahalaan na makauwi ang isang stranded na construction worker sa Eastern Samar, kung saan winasak ng Bagyong Ambo ang bahay ng kaniyang ina nitong Mayo. 

Kuwento ni Nick Nalopa, nasa 2 buwan siyang naistranded sa Parañaque matapos mahinto ang pinagtatrabahuhan construction project dahil sa coronavirus lockdown noong Marso. Nakikituloy aniya siya ngayon sa bahay ng kaniyang kapatid sa Manila. 

"Ang aking ina hindi ko alam kung saan nakatira ngayon... Nais ko sanang makauwi, matulungan," aniya sa panayam ng programang Lingkod Kapamilya sa Teleradyo. "Wala naman po akong pamasahe dahil na-lockdown ako, wala man lang kaming ayuda o suweldo." 

Sa parehong panayam, sinabi ni Moreno na tutulungan niyang magpa-coronavirus rapid test si Nalopa, na kailangan para makakuha siya ng travel pass papuntang probinsya. 

"Sige wag ka nang mag-alala, basta I will do my best para makauwi ka. In our own little way tutulong ang pamahalaan panglungsod at saka kung may kaunti man lang madadala ka sa pamilya mo, ipadadala na natin," sabi ng alkalde. 

Panoorin ang kanilang panayam dito. 

TeleRadyo, Hunyo 26, 2020