BRP Gabriela Silang maghahatid muli ng mga stranded na pasahero pauwi ng Mindanao

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 25 2020 11:09 AM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Pauwi na ang ilang mga stranded na pasahero sa kanilang mga probinsya sa tulong ng Philippine Coast Guard. 

Ilan sa kanila ay ang mga nagpunta sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at nagbakasakaling makasakay ng eroplano pauwi sa Mindanao. 

Isa sa mga nagpunta ng NAIA Terminal 2 ay si “Jennie” na taga Zamboanga. Masaya siya na makakauwi na sa kanilang bahay at makakasama na ang kaniyang mga anak at magulang matapos mapurnada ang paglipad niya sana patungong Riyadh, Saudi Arabia at na-stranded ng tatlong buwan sa Maynila dahil sa lockdown sanhi ng COVID-19. 

Ayon kay Commodore Alberto Ferre, kapitan ng BRP Gabriela Silang, dadaan ng Zamboanga, General Santos City, Davao, at Cagayan de Oro ang kanilang barko para ihatid ang nasa 150 na stranded passengers at 50 indigenous people. 

Bukod sa mga stranded na pasahero, lulan din ng barko ang 150 na tauhan ng Philippine National Police Special Action Forces na idedestino pansamantala sa Cebu, at mga medical supplies ng Department of Health para sa mga frontliners na idedeliver din sa Cebu at Cagayan de Oro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.