Basaan sa San Juan ipagdiriwang muli matapos ang 2 taon
ABS-CBN News
Posted at Jun 24 2022 07:03 AM
MAYNILA – Ilan sa mga aktibidad ngayong Biyernes sa pagdiriwang ng Wattah Wattah Festival ang sayaw na lalahukan ng Zumba team ng lokal na pamahalaan ng San Juan.
Matapos nito, isusunod mga alas-7:30 ang blessing ng firetrucks ng Bureau of Fire Protection na siyang gagamitin sa tradisyunal na basaan.
Sampung firetruck ang mag-iikot sa mga kalsada ng San Juan para pangunahan ang basaan.
Masaya ang mga taga-San Juan dahil matapos ang dalawang taon, muling masasaksihan ang inaabangang tradisyon ng lungsod. Natigil ito dahil sa pandemya.
Ayon kay San Juan tourism and cultural affairs officer Brian Geli, hanggang ala-1 ng hapon ang tradisyunal na basaan.
Bawal gumamit umano ng maruming tubig, tubig na nakalagay sa anumang materyal na maaaring makasakit, at tubig o yelong nakalagay sa plastic o glass bottles.
Bawal din ang sapilitang pagbubukas ng mga pribado at pampublikong sasakyan at pagpasok sa mga pampublikong sasakyan para mambasa ng pasahero.
Pinapaalalahanan din ang mga dadalo na magsuot ng facemask.
Hatinggabi nagsimula ang liquor ban sa lungsod na matatapos mamayang alas-3 ng hapon.
Bukod sa basaan, inaabangan din ngayong Wattah Wattah Festival ang streetdancing competition. Lahat ng 21 na barangay ng San Juan at may entry sa streetdancing, kung saan gaganapin ang exhibition sa Pinaglabanan Shrine.
Bahagi ang Wattah Wattah ng kapistahan ng patron ng lungsod na si San Juan Bautista na sumisimbulo sa pagbibinyag bilang Kristiyano.
Ayon kay Monsignor Vicente Buason, ang kura paruko ng Saint John the Baptist Pinaglabanan, nitong Huwebes pa ang selebrasyon ng pista ng San Juan.
Napaaga ito dahil ngayong Biyernes kasi ang selebrasyon din ng kapistahan ng Sacred Heart.
Pero sa San Juan, tradisyon na na ganapin ang basaan tuwing ika-24 na araw ng Hunyo.
Dahil may pandemya pa nanawagan ang lokal na pamahalaan ng San Juan sa mga bisita maging sa mga residente na sundin ang health protocols.—Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TeleRadyo, Tagalog news