Mga stranded sa Pasay, ihahatid muna pabalik sa kani-kanilang barangay - DOTr

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 12:22 PM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Pupuntahan na ng mga tauhan ng Department of Interior and Local Government ang mga Pilipinong kasalukuyang stranded sa Pasay City para muling ibalik sa pinanggalingang mga barangay habang wala pang tiyak na biyahe pauwi ng kani-kanilang mga lalawigan.

“Kausap ko na kinatawan ng DILG at papupuntahan sila ng mga tauhan para sunduin doon sa kinalalagyan nila, especially doon sa Andrews Avenue, at iisa-isahing ihatid sa kailang mga barangay,” ayon kay DoTr Assistant Secretary Eymart Eje. 

Pahayag ni Eje, simula Mayo pa lamang ay may panuntunang ipinatutupad ang ahensiya sa pagproseso ng mga Pilipinong gustong umuwi ng mga probinsiya matapos maipit sa lockdown bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

“Sa ngayon ang pinakamadaling gawin muna ay ibalik muna sila sa kanilang pinanggalingan, kung saan sila nag stay before bago sila mapunta d'yan. Meron na kaming coordination sa local government, sa Pasay City Police para ihatid sila sa kanilang pinanggalingan dahil mas naniniwala kaming mas safe sila kung saan sila nanggaling kesa makisiksk sila ngayon sa lugar ng Philippine Army gym na naga-accommodate sa mga LSI,” pahayag ni Eje sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo Martes ng umaga. 

Bagama’t natulungan na nilang mapauwi ang mga naunang nastranded na mga kababayan, ang mga pumalit sa mga ito ay may iba’t-iba rin aniyang sirkumstansiya. 

“Una d'yan frustration, dahil sila ay naipit na sa sitwasyon kaya naghahanap ng pamamaraan para makauwi,” sabi niya. 
 
Ang iba naman ay mga kababayang hindi na natuloy sa paglipad para makapagtrabaho sa ibang bansa at iniasa na lamang sa pamahalaan ng kanilang manning agencies ang pagpapabalik sa probinsiya. 

“Binigyan sila ng parang false hope na makakauwi nang maaga. 'Yun pala walang flight pagdating sa airport. Obviously, tumakas lang sa obligasyon 'yung mga manning agencies sa pag-aalaga doon sa mga kababayan natin. Dapat alagaan muna nila kababayan natin kasi sila 'yung kumuha sa probinsiya, sila nagpapunta sa Maynila para paalisin. Ngayong hindi nakaalis pababayaan nila at ipapasa nila sa gobyerno 'yung obligasyon nila, 'yung responsibilidad,” sabi niya. 

Dagdag pa niya, marami sa mga stranded ang hindi nabigyan ng tamang impormasyon sa tamang proseso para matulungan ng pamahalaan na makauwi sa kanilang probinsiya. 

“Doon sa memorandum order ng National Task Force on COVID-19 meron doon proseso na dapat sundin. Ito ho ay ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay, ipoproseso sila, kukunin kanilang detalye at kung saan ang probinsya silang pauwi,” sabi ni Eje. 
 
Aniya, ang barangay ang makikipag-ugnayan sa local chief executives at ang huli naman ang makikipag-koordinasyon sa national task force o sa sub task group para mapadali ang pagprosep ng papapauwi sa kanila. 
 
“Kasi iba’t iba pinanggalingan at iba’t iba ang kanilang uuwian at ang pinakaimportate na medyo nagpapahirap sa proseso ay ang iba’t ibang panuntunan ng mga LGU sa pagtanggap ng ating mga LSI,” saad niya. 

Samantala, responsibilidad naman ng local social welfare office ang pag-aalaga sa mga stranded na kababayan na wala namang babalikang bahay sa Maynila. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.