Libreng internet load, learner's package ibibigay sa 85,000 mag-aaral sa Makati public schools

Henry Atuelan, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 12:33 PM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA – Nakatakdang makatanggap ng learner’s package at libreng internet load na may limang oras araw-araw ang bawat isa sa mahigit 85,000 mag-aaral mula sa preschool hanggang senior high school sa mga pampublikong paaralan sa Makati para sa darating na school year 2020-2021. 

Ayon kay Makati Mayor Abigail Binay, katuwang ng pamahalaang lungsod ang City Schools Division Office ng Department of Education (DepEd) Makati sa pagbuo ng mga inisyatiba na naglalayong tugunan ang mga hamon ng COVID-19 pandemic, partikular sa larangan ng edukasyon. 

Ang bawat learner’s package ay naglalaman ng isang On-The-Go (OTG) flash drive, printed modules, at 2 washable face masks na nakasilid sa pouch. 

Gamit ang OTG flash drive, maaaring mag-aral ang mga estudyante sa nilalaman nitong digitized learning modules kahit walang internet connection. 

Taglay nito ang videos, illustrations, at interactive exercises na dinevelop ng DepEd Makati. Pwede itong gamitin sa smartphone na android o iOS, tablet, laptop, desktop, pati na sa smart television. 

Dagdag pa ni Binay, matatanggap pa rin ng mga mag-aaral ang kagamitan tulad ng libreng school uniforms, leather shoes, rubber shoes, at school supplies. 

Maging ang mga guro ng public schools sa Makati ay bibigyan ng libreng internet load para sa pagsasagawa ng online activities at sessions. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.