2 drug suspects, patay sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 11:18 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Patay ang dalawang hinihinalang drug suspek matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Caloocan City Miyerkoles ng gabi.

Sa harapan ng carwash sa Phase 1, Bagong Silang sa Caloocan inaakalang patagong makakabili ng droga si Rodel Alcaraz.

Hindi niya alam, isa umanong asset ng pulis na pala ang naka-transaksyon niya.

Kaya agad silang nasundan ng mga operatiba ng North Caloocan, mag aalas-10:30 kagabi.

Mabilis na natunton ang bahay ni Alcaraz nang masundan ng mga pulis ang isang nasa drugs watchlist na si Michael Maliswa.

Nang masundan sa loob ng bahay ni Alcaraz, una umanong nagpaputok ang mga suspek at doon na nakipagbakbakan ang mga pulis.

Dead on the spot sina Alcaraz at Maliswa na sinasabing tulak din umano ng droga.

Narekober sa bahay ang ilang drug paraphernalia at dalawang kalibre .38 baril.

Ayon sa barangay, matagal nang labas-masok sa kulungan ang dalawang suspek.

Napagalaman na hindi rin sumuko sa Oplan Tokhang ang mga drug suspek.

Aminado naman ang hepe ng lungsod na talamak pa rin ang droga sa lugar sa kabila ng kanilang sunod-sunod na operasyon at pagbibigay-babala.

Ilan lamang ang barangay Tala, Bagong Barrio, Sangandaan at Maypajo sa itinuturing ng pulisya na pinakatalamak ang bentahan ng droga sa Caloocan. – Umagang kay Ganda, 22 June 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.