PatrolPH

LRT 2 stations sa Marikina at Antipolo, magagamit na simula June 23

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2021 07:15 AM

Watch more on iWantTFC

Nakatakda nang pasinayaan ang dalawang bagong istasyon ng LRT sa linggong ito.

Mas madali na makakapunta sa Antipolo ang mga kapamilya natin dahil ngayong linggo, bubuksan na ang mga bagong istasyon ng LRT 2.

Dalawa ang bagong istasyon: isa sa Marikina na makikita sa Barangay San Roque malapit sa Gil Fernando Avenue, at ang Antipolo Station, na nasa Barangay Mayamot, malapit sa isang mall sa Masinag at Sumulong intersection.

Bukas pasisinayaan ito, at magsisimula naman ang operasyon sa June 23 o sa Miyerkules.

Kung manggagaling ng Recto, 30 pesos ang pamasahe sa single journey tickets papuntang Marikina at Antipolo.

Sa stored value cards naman, 28 pesos papuntang Antipolo at 26 pesos naman papuntang Marikina mula sa Recto.

Bilang paghahanda rito, simula noong isang linggo, nilimitahan ang biyahe ng LRT at pansamantalang itinigil ang biyahe mula Santolan hanggang Anonas.

Pero ngayong Miyerkules, magagamit na ito ng ating mga kapamilya.

Inaasahan na mapapabilis nito ang biyahe mula Maynila papuntang Marikina at Antipolo.

Sa post sa social media account ng mag-asawang Mayor Andeng Ynares at dating alkalde na si Jun Ynares, nagpaalala sila agad na mahigpit ang magiging pagpapatupad dito ng health protocols.


ABS-CBN TeleRadyo, June 21, 2021 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.