PatrolPH

2 lugar sa QC isinailalim sa 14-day special concern lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2021 07:02 AM

Watch more on iWantTFC

Nadagdagan muli ang mga lugar na nasa special concern lockdown sa Quezon City.

Sa pinakahuling abiso mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City, isinailalim sa lockdown nitong weekend ang Tiberias Alley C. Benitez Street hanggang Julay Alley Banahaw Street sa Barangay San Martin De Porres kung saang may naitalang 16 na aktibong kaso ng COVID-19.

Nakalockdown din simula noong weekend ang isang compound sa Barangay Apolonio Samson, kung saan may 23 active cases sa nasabing barangay.

Sumatotal ay nasa walong lugar sa lungsod ang kasalukuyang naka-lockdown. Magtatagal ito ng 14 na araw.

Iginiit naman ng lokal na pamahalaan na hindi nilolockdown ang buong barangay at sa halip ay partikular na kalsada o compound lang ang kanilang nilalagay sa SCL. 

May mga food packs at iba pang assistance na iniaabot ang LGU sa mga pamilyang apektado ng lockdown. 

Sa ngayon ay nasa 1,735 na ang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod. 

Patuloy naman ang vaccination program sa lungsod, kung saan nasa mahigit 500,000 indibiwal na ang nabakunahan, batay sa pinakahuling impormasyon mula sa LGU. 

TeleRadyo, June 21, 2021 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.