3 patay sa anti-drug operation sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2017 06:06 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MANILA - Patay ang tatlo katao sa isinagawang magkahiwalay na anti-illegal drug operations madaling araw ng Miyerkoles sa Caloocan City.

Hindi matanggap ng pamilya Gonzales ang sinapit ng kanilang kaanak sa police operation sa Caloocan ala-1 ng madaling araw.

Napatay sa engkwentro sa loob ng kanilang bahay ang 35-anyos na si Lemon Gonzales na sinasabing operator ng shabu tiangge sa nasabing lugar.

Aminado ang pamilya na dating gumagamit ng droga si Gonzales pero tumigil na umano ito nang simulan ng gobyerno ang matinding kampanya laban sa droga.

Paniwala ng kapatid ni Gonzales, napagkamalan lamang ito lalo’t maraming may palayaw na “Mon-mon” sa kanilang lugar.

Nakuha mula sa suspek ang isang baril.

Sa Phase 9, Package 4 sa Bagong Silang pa rin, patay naman ang dalawang lalaki matapos makipagpalitan ng putok sa mga pulis.

Kinilala ang mga ito na sina Joel Acle at Erickson Lakbayin, na umano’y mga tulak at nasa likod ng panghoholdap.

Sabi ng mga pulis, pinahihinto nila ang mga suspek kasama ang isa pa sa Oplan Sita dahil wala silang suot na helmet habang sakay ng isang motorsiklo. 

Sa halip na tumigil, pinaharurot nila ang sakay na motorsiklo. Bumaba ang dalawa at nagpunta sa bahay ni Acle, at dito na sila nakipagpalitan ng putok sa pulisya. Nakatakas naman ang isa pang sakay ng motorsiklo.

Aminado ang kaanak ni Acle na gumagamit ito ng droga.

Narekober mula sa mga suspek ang mga sachet ng hinihinalang shabu at mga baril. – Umagang kay Ganda, 21 June 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.