Dating tanod, 2 iba pa, nahuli sa drug session

ABS-CBN News

Posted at Jun 16 2017 12:27 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Huli sa akto na gumagamit ng shabu ang 3 lalaki sa Santos Compound sa Barangay Don Bosco sa Parañaque City.

Target lang sana ng search warrant ang dating tanod na si Richard Herrera, pero nadatnan ito sa drug session kasama sina Gilbert Salazar at Oliver delos Reyes sa loob ng bahay ng tanod na nagsisilbing drug den.

Nagtangkang tumakas si Herrera, na makikitang namimilipit sa sakit nang iharap sa media matapos itong mapuruhan.

Narekober mula sa bahay ng tanod ang aabot sa 20 sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Ayon kay Parañaque police chief, Senior Superintendent Jemar Modequillo, may report na talamak ang bentahan ng droga sa area.

Samantala, dinampot din ng mga pulis ang dalawa pang lalaki nang mapag-alamang sila ang nag-tip na paparating na ang operatiba sa lugar. - Umagang kay Ganda, 16 June 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.