PatrolPH

Alkalde ng Magpet sa N. Cotabato, positibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2021 12:36 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nagpositibo sa COVID-19 ang alkalde ng Magpet sa North Cotabato matapos mahawa sa isang opisyal na unang nagkaroon ng sakit.

“Ang ating mayor, nandito po ngayon sa hospital ng Kidapawan City. Na-confine po dahil po infected po siya ng COVID-19,” ayon kay Vice Mayor Rogelio Marañon, ang tumatayong acting mayor ng bayan.

Sa panayam sa TeleRadyo nitong Martes, sinabi ni Marañon na maging siya ay sumasailalim sa isolation at kasalukuyang naka-work-from-home.

Sa kuwento ni Marañon, Hunyo 7 nang magkaroon ng sesyon ang Sangguniang Bayan kung saan ang isang miyembro nito ay positibo pala sa COVID-19.

Matapos ang kanilang pulong, nagtungo pa umano ito sa tanggapan ni Mayor Florenito Gonzaga.

“After 5 days, June 11, na-confine siya. Bago na-confine sa hospital, nagpa-swab test siya at saka nakitaan ng symptoms at resulta ng ating swab test ng isang miyembro ng konsehal, positive,” sabi niya.

Kasalukuyan ding sumasailalim sa 14 na araw na quarantine ang iba pang lokal na opisyal na nakasalamuha ng nagpositibong konsehal.

“Nagpatuloy po tayo sa duties and functions para mapagpatuloy ang ating services dito sa lungsod ng Magpet sa Cotabato. Sa ngayon, ang munisipyo ng Magpet bukas po, pero meron tayong skeletal force para hindi marami masyado ang ating empleyado na mag-report,” sabi ni Marañon. 

Patuloy naman aniya silang nag-iingat at sumusunod sa mga health protocol para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Nakapagtala na, as of June 14, ng 2,710 confirmed COVID-19 cases ang North Cotabato, kung saan 693 ay active, ayon sa pinakahuling ulat ng regional health office.

- TeleRadyo 15 Hunyo 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.