Holdaper, patay matapos makabarilan ng mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2017 10:15 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Dead on the spot ang isang hinihinalang holdaper matapos makaengkwentro ng pulisya sa Baclaran, Parañaque City bago mag ala-una ng madaling araw ng Huwebes.

Ayon kay Senior Superintendent Jemar Modequillo, rumesponde ang kaniyang mga pulis matapos mambiktima ang hindi pa nakikilalang kawatan sa lugar.

Kuwento ng biktimang si Ana, hindi niya tunay na pangalan, nag-aabang siya ng taxi sa Roxas Boulevard kanto ng Claudio Street at papauwi na sana sa Cavite nang lapitan siya ng suspek at tutukan ng baril bago kinuha ang kanyang bag at cellphone. 

Tyempo namang may nagpapatrolyang pulis na agad pinaputukan ng suspek kaya’t gumanti ang mga ito at napatay ang lalaki. 

Pinaniniwalaang suspek din ang napatay na lalaki sa iba pang kaso ng robbery hold-up sa lugar.

Ayon kay Niño Garcia, isang residente sa lugar, namumukhaan niya ang lalaki dahil ito rin ang lalaking nangholdap sa kanyang pamangkin noong lamang Lunes sa kalapit na lugar. 

Narekober sa kawatan ang ninakaw na gamit ng biktima at kalibre 38 baril habang nakuha sa crime scene ang tatlong basyo ng 9 MM at dalawang basyo ng kalibre 38. - Umagang kay Ganda, 15 June 2017

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.