Misis nakabalik sa mister matapos ang 22 araw sa war zone

ABS-CBN News

Posted at Jun 14 2017 11:16 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Mahigit tatlong linggong sinubukan ng isang mister na makapasok sa sentro ng bakbakan sa Marawi para saklolohan ang misis na naipit sa karahasan.

Unang nakilala si Saipoding Mariga habang ini-interview ng media ang mga opisyal ng gobyerno at militar noong June 5. Biglang siyang sumingit sa mga tanong ng media para diretsang humingi ng saklolo sa mga awtoridad.

Galing pa ng Maynila si Saipoding at bumiyahe papuntang Marawi nang mabalitaang naipit ang kanyang misis sa warzone. Natakot siya na baka madamay ang asawa sa mga air strike. 

Matapos ang ilang araw, muling nakita si Saipoding na nagpapaalam sa militar para makadaan sa checkpoint at makapasok sa war zone. Gusto niyang dalhan ang asawa ng tubig, saging at isang slice ng egg pie. Pero di siya pinayagan. Simula noon, araw-araw siyang paikot-ikot lang sa kapitolyo at naghihintay ng balita. 

Kagabi, matapos ang 22 araw, nailigtas ng mga militar ang asawa niyang si Geraldine. Naiyak na lang si Saipoding nang makita ang misis na tadtad ng sugat mula sa mga tumamang bala at mga shrapnel ng mga sumabog na bomba. Ayon sa mga doktor, naimpeksiyon na ang mga sugat ni Geraldine.

Kanina, magkasama na sa Amai Pakpak Hospital ang mag-asawa. Di umaalis si Saipoding sa tabi ng asawa. Hawak lang niya ang kamay ng kabiyak at kinakausap para mailabas ng misis ang dinanas na trauma.

Ayon kay Saipoding, kasama ng asawa niya ang kapatid noong umatake ang Maute. Pero nang mapuruhan ng bala ang misis, umalis ang kapatid para humingi ng saklolo. Di na nakabalik ang kapatid dahil naharang na ng bakbakan. Mag-isa si Geraldine sa loob ng warzone sa loob ng 18 araw. 

Nasa stable condition na si Geraldine, ayon sa mga doktor. Nahirapan sila noong una dahil nasira ang imbak na dugo ng ospital. Pero nang malamang tugma ang blood type ng isang doktor at isang rescuer sa dugo ni Geraldine, di sila nag-alinlangang mag-donate ng dugo. 

Sa ngayon, bukas na ulit ang Amai Pakpak Hospital para magbigay ng tulong sa mga inilalabas sa war zone. 

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.