Pagbabakuna ng mga nasa A4 category magsisimula na sa Quezon City
ABS-CBN News
Posted at Jun 11 2021 06:37 AM
Hindi naging madali ang pagsisimula ng vaccination sa mga nasa A4 category — o mga economic frontliners o mga nagfi-field work — sa Quezon City Biyernes.
Alas-5 ng hapon Huwebes nag-anunsyo ang lungsod na magbubukas ng vaccine slots sa EZconsult website, ang platform kung saan maaari silang mag-register.
<EZconsult website>
At dahil unang araw, dinagsa ang site at nagkaroon ng heavy traffic.
Kaya naman alas-3 ng hapon pa lang, nagloko na ang site at hindi makapasok ang mga tao para makapag-book.
Pasado alas-7 nang maglabas ng memo ang EZconsult at nakiusap sa mga tao na huwag munang sumubok na mag-log in dahil may problema nga ang sistema.
Marami ang nainis na mga tao dito, dahil tila hindi anila napaghandaan ang dagsa ng mga magre-register, lalo na't malawak ang A4 category.
Bandang alas-11 ng gabi, nag-anunsyo na ang Quezon City government na pansamantala nang sususpendihin ang online booking.
Humingi naman ng pasensya ang EZconsult.
Pero pasado hatinggabi, nakatanggap ang ABS-CBN News ng report na umayos na muli ang website at nakapag-book na ang mga tao.
Kaya naman tuloy ang pagbabakuna Biyernes.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, 43,000 na bakuna ang natanggap nila kamakailan.
Distributed ito sa maraming vaccination site at may schedule hanggang June 15.
Sa mga hindi makakapag-online, pwede naman humingi ng tulong sa barangay. — Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
A4, QC A4, economic frontliners, COVID, coronavirus, QC bakuna, vaccination, Tagalog news