Lalaking nagpanggap na buyer, tinangay ang mamahaling cellphone

ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2017 08:10 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Paalala lang po sa mga gustong magbenta ng kanilang cellphone, maging alerto sa mga nagpapanggap na buyer.

Sa Imus, Cavite, tinangay ng isang nagpanggap na buyer ang ibinebenta sa kaniyang mamahaling cellphone.

Nakunan pa sa CCTV ang lalaking suspek habang nasa loob ng isang mall sa Imus nitong Hunyo 6.

Nakipagkita sa suspek, na nagpakilalang si Jaynor Rashid, ang biktimang si Cherrie Dellosa. Kasama ni Dellosa ang kaniyang ina. Ibinebenta ng mag-ina ang iPhone 7 na napanalunan sa isang raffle.

Pakilala ni Rashid, negosyo niya ang pagbili ng cellphone. Ipinakita pa nga raw ng suspek ang kaniyang tindahan sa mall. 

Kaya naman nagtiwala agad ang mag-inang Dellosa kay Rashid na sinamahan pa nila nang magsabing magwi-withdraw daw ng perang pambayad sa cellphone na ibinebenta sa halagang P30,000.

Pero bigla na lang naglaho ang suspek tangay ang ibinebenta nilang cellphone.

Binalikan ng mag-ina ang itinuturong tindahan ng suspek pero wala roon si Rashid at wala rin daw nakakakilala sa kaniya. Inamin naman ng mga nagtitinda na ibinenta sa kanila ang isang iPhone7 sa halagang P21,000, pero may bumili rin agad umano ng unit mula sa kanila.

Laking panghihinayang ni Dellosa dahil gagamitin sana ang pera mula sa pinagbentahan para ipantustos sa tuition ng kapatid.

Nagsampa na ng kasong estafa si Dellosa at kasama sa mga tindera at technician ng tindahan dahil posibleng kasabwat daw sila ng suspek.

Maaari namang tumawag sa pulisya ang sinumang may impormasyon sa suspek.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.