PatrolPH

6 lalaki timbog sa buy-bust sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2020 07:58 AM | Updated as of Jun 10 2020 08:06 AM

Watch more on iWantTFC

Arestado ang 6 na lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City nitong Miyerkoles ng hatinggabi.

Ayon kay Police Lt. Col. Melchor Rosales ng Eastwood Police, kabilang sa mga nahuli ang isang security guard na si alyas Jojo at tricycle driver na si alyas Jack at 4 na parokyano.

Dagdag pa niya, pawang mga tulak ng droga sina alyas Jojo at alyas Jack at kasama sa isang drug session ang 4 parokyano.

Nakipagtransaksyon ang poseur buyer sa halagang P3,500 ng ilegal na droga bago hulihin ang mga suspek.

Aabot sa 15 gramo ng hinihinalang droga ang nasabat sa mga suspek na nagkakahalaga ng P100,000.

Ayon sa security guard at tricycle driver, napilitan lang sila umanong gawin ang krimen matapos mawalan ng trabaho dahil sa lockdown.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

--Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.