ALAMIN: Mga kasong pwedeng isampa sa mga nagpapautang na 'nangha-harass' ng kliyente

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2023 09:45 AM | Updated as of Jun 09 2023 10:11 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Maaaring makasuhan ng paglabag sa Revised Penal Code ang mga lending agency na nangha-harass sa kanilang mga kliyente, ayon isang abogado.

Ang pahayag ni Atty. Francis Mangrobang ng IDEALS Inc. ay kasunod ng mga viral na post online tungkol sa mga lending agency na pinadalhan ng ataol at bulaklak na pampatay ang mga kliyente nilang atrasado ang bayad sa utang. 

“Ito po ay isang paglabag din doon sa sinasabi nating memorandum sa ating (Securities and Exchange Commission) na eto ay nagsasanhi ng, maaaring ito ay threat. Kasi meron pong bulaklak ng patay, maaari nating i-consider tong merong threat, or meron tayong nakaka-insulto at merong mga pang-abuso sa paniningil,” aniya.

“So ito ay napapaloob sa tinatawag nating unfair collection practices,” paliwanag ng eksperto.

“Pero nakikita natin ang mga ginagawa nila ay maaaring ding bumagsak sa mga sinasabi nating offenses na napapaloob sa ating Revised Penal Code. Kung ito ay nagsasanhi na ng threats, maaaring pumasok ito sa grave threats,” ayon sa abogado.

Dagdag pa ni Mangrobang, hindi dapat tinatawagan ng mga nagpautang ang kanilang mga kliyente sa gabi.

“Meron pong po tayong memorandum mula sa SEC noong 2019. Eto yung tinatawag na prohibition on unfair debt collection practices…ang particular na sinasabi ay bawal bago ang alas-6 ng umaga at lampas ng alas-10 ng gabi maliban kung ito ay pinayagan ng nanghihiram."

Ayon pa kay Mangrobang, hindi rin dapat tinatawagan ng mga lender ang mga kamang-anak at kaibigan ng kanilang kliyente na hindi naman nito co-maker sa nasabing loan.

Payo ng abogado, dapat maging mapanuri ang publiko bago tanggapin ang alok na pautang ng ibang lending apps.

“May tatlong bagay silang dapat tingnan sa isang lending app. Dapat ang una ay rehistrado, lisensiyado, at nakalista. So, rehistrado sa SEC bilang isang lehitimong kumpanya, sila’y lisensiyado na gumawa ng ganitong aktibidades na magpautang, at mahalaga din ay nakalista sa online lending platform,” aniya.

--TeleRadyo, 9 June 2023