'Lahat umiiyak': Mga provincial bus natatakot malugi matapos ang lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2020 09:29 AM

Watch more News on iWantTFC

Nangangambang malugi ang mga operator ng provincial bus sa ilalim ng mga bagong patakaran kapag pinayagan na silang muling makabiyahe sa pinaluwag na coronavirus lockdown, sinabi ng isang asosasyon, Martes.

Kalahati lamang ang maisasakay ng mga provincial bus na pinagplaplanuhan din ng gobyernong pagbawalan makapasok sa Metro Manila, ani Alex Yague, executive director ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines.

"Kahit anong kwenta namin sa 50 percent, hindi kikita," sabi niya sa panayam ng TeleRadyo.

Kakailanganin din aniya nilang mag-install ng online payment system, thermal scanner at foot bath para sa mga pasahero.

"Maraming gastos po iyan," sabi niya.

"Nangangapa kami. Lahat po ng mga bus company, maliit man o malaki, talagang umiiyak na po."

Hinimok niya ang gobyerno na bigyan ng fuel subsidy ang mga operator at ipagpaliban ang planong Metro Manila ban para sa mga provincial bus.

"Makahinga lang po iyong mga operator at pati po iyong mga ating empleyado, wala munang mawawalan ng trabaho," sabi niya.

TeleRadyo, Hunyo 9, 2020