ITCZ patuloy na magpapaulan sa Visayas, Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Jun 09 2019 08:58 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Patuloy na makakaranas ng mga pag-ulan ang Visayas at Mindanao ngayong Linggo dahil sa intertropical convergence zone (ITCZ) o kaulapang dulot ng pagtatagpo ng hangin mula sa hilaga at timog malapit sa equator, ayon sa state weather bureau PAGASA. 

Maaaring magdulot ng pagbaha at landslide ang isolated rains at thunderstorms na dala ng ITCZ, babala ni PAGASA weather forecaster Benison Estareja. 

Magiging maaliwalas naman aniya ang panahon sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, pero maaaring magkaroon ng mga panandaliang ulan sa hapon o gabi, ani Estareja sa panayam ng DZMM. 

Wala naman aniyang inaasahang mamumuong bagyo sa loob ng bansa sa susunod na 3 araw. 

Inaasahang mabubuo ang 1 o 2 bagyo sa bansa kapag nagsimula na ang tag-ulan ngayong Hunyo, una nang sinabi ng PAGASA.

Para sa iba pang ulat-panahon, bisitahin ang ABS-CBN Weather Center

DZMM, Hunyo 9, 2019 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.