Pila ng A4 category sa 2 vaccination sites sa Maynila, Caloocan mahaba na

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2021 09:43 AM | Updated as of Jun 08 2021 10:36 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Mahaba na ang pila sa isang mall sa Ermita, sa lungsod na ito ngayong Martes para sa unang araw ng pagbabakuna ng A4 category o mga economic frontliner.

Pero limitado pa ang mga bakuna sa apat na malls na ginawang vaccination sites.

Kahit pa nasa 750 pa lamang ang bilang ng doses para sa pagbabakuna ngayong araw, patuloy namang humahaba ang pila ng mga nais na magpabakuna.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, lahat ng 18 years old pataas na A4 ay pasok sa vaccination process.

Sistema sa lungsod ng Maynila na dapat magpa-register muna pero hindi nakasaad kung anong oras ka darating o saang vaccination site. 

Mismong ang magpapabakuna na ang pipili basta nakapag-register at nabigyan ng QR code, maaari siyang magpaturok kontra COVID-19 kahit saang vaccination site basta pasok sa A4 na kategorya.

Sa Caloocan, inanunsiyo ni Mayor Oca Malapitan sa kanilang official social media accounts na pwede nang mabakunahan ang mga residente ng lungsod na nasa A4 category.

Sa Maria Clara High School na isa sa mga vaccination sites ng lungsod, marami na rin ang A4 category ang matiyagang pumila.

Nasa 400 lang ang pwedeng mabakunahan sa naturang paaralan para sa inisyal na dose ng Sinovac, habang may higit 200 katao din ang naka-schedule para sa second dose ng AstraZeneca vaccine. — TeleRadyo 8 Hunyo 2021

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.