Trailer truck at SUV nagsalpukan sa Bulacan, 5 patay
Andrea Taguines, ABS-CBN News
Posted at Jun 07 2023 07:26 AM | Updated as of Jun 07 2023 08:52 PM
(UPDATE) Limang tao, kasama ang tatlong Korean national, ang namatay matapos sumalpok ang sinasakyan nilang SUV sa kasalubong na trailer truck sa Baliwag, Bulacan.
Kritikal ang kondisyon ng 2 pang pasahero, na kasalukuyang nasa ospital sa Malolos.
Ayon sa isang testigo, mabilis ang takbo ng SUV at pagewang-gewang bago ito bumangga sa truck.
"Ang nasaksihan namin agad ay mga nakaipit sa sasakyan... kasama kami ng rescue sa paghuhugot kasi hindi mahugot. Nahihirapan sila," ani Michael Bautista ng Baliwag Traffic Management Office.
Ayon sa isa sa mga first responder, kinailangan pa nilang gumamit ng bolt cutter para alisin ang pintuan at ilang upuan ng SUV bago mailabas ang mga biktima.
Patuloy na iniimbestigahan ng Baliwag police ang insidente.
Base sa kuha ng CCTV, ang SUV ang tumawid sa lane ng truck.
"Tinitignan natin either kung nawalan ba talaga ng preno or 'yong possibility na nakatulog itong drayber," ani Lt. Col. Julius Alvaro, hepe ng Baliwag police.
Nasa kustodiya ngayon ng Baliwag police ang driver ng trailer truck.
Ayon sa driver, hindi niya kasalanan ang nangyari dahil ginawa naman niya ang lahat para iwasan ang SUV.
Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at 2 counts of serious physical injuries ang truck driver.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
aksidente, Baliwag, Bulacan, tagalog news, teleradyo