PatrolPH

Suspensyon ng fuel excise tax inihihirit muli

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2022 07:27 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Nanawagan muli ang isang transport group na ihabol ng administrasyon ni Rodrigo Duterte ang pagsuspinde sa excise tax sa langis sa gitna ng patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide national president Mody Floranda, ito ay para maibsan ang tumataas na presyo ng petrolyo na dagdag-kalbaryo sa kanilang hanay.

"Tayo nga po ay talagang nananawagan sa gobyerno na baka puwedeng maglabas ng executive order na pansamantalang isuspinde 'yung mataas na buwis sa produktong petrolyo," aniya sa panayam sa TeleRadyo Martes.

Ngayong Martes, Hunyo 7, nagkaroon ng malaking pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo kasunod ng 2 sunod na linggong oil price rollback.

Ang oil price hike ay resulta ng desisyon ng maraming bansa sa Europa na ipagbawal ang langis na galing Russia.

Bahagi umano ito ng parusa sa Russia dahil sa pananakop nito sa Ukraine, kaya nakikita ng ilang eksperto na tataas pa ang presyo ng petrolyo habang nagpapatuloy ang giyera roon.

Kung hindi umano mabibigay ng pamahalaan ang kahilingan ng transport group, kusang hihinto sa pamamasada ang mga tsuper dahil sa kawalan ng kikitain.

"Sa hanay ng mga jeep, halos P300 na lamang 'yung ating naiuuwi sa pamamasada. Paano pagkakasiyahin dun sa pangangailangan ng pamilya?" ani Floranda.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.