PatrolPH

PNP inaabangan ang CCTV ng sasakyang nanagasa sa sekyu

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2022 09:49 AM | Updated as of Jun 07 2022 10:19 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Inaabangan na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang kopya ng CCTV footage mula sa pribadong subdibisyon kung saan nakatira ang may-ari ng isang sasakyang sumagasa sa isang traffic enforcer sa Mandaluyong.

Kuwento ng hepe ng Mandaluyong City Police na si Col. Gauvin Unos, nakapasok na sila sa subdibisyon Lunes ng hapon at nakausap ang mga guwardiyang naka-duty doon.

Matatandaang hindi pinapasok ang mga pulis nang una silang pumunta sa subdibisyon 5 a.m. nitong Lunes.

“Kaya ang kagandahan naman, napayagan naman ulit tayo pumasok doon sa subdivision na ‘yon at nagkaroon tayo ng pagkakataon na kausapin yung mga security guard doon, napakiusapan na tingnan yung mga CCTV sa loob, kung nakapasok man yung sasakyan.”

“’Yun na po ang inaantay natin na resulta ngayong umaga sa pangyayari na follow-up doon sa investigation doon sa subdivision,” aniya.

Viral sa social media nitong linggo ang pagkakasagasa ng isang SUV sa isang mall security guard matapos niyang patigilin habang nagsasaayos ng traffic.

Kinasuhan na ng frustrated murder at abandonment of one’s victim ang may-ari ng sasakyan.

Ayon kay Senator-elect JV Ejercito, sinabi na sa kanya ng may-ari ng sasakyan na anak niya ang nagmamaneho nito nang mangyari ang insidente.

--TeleRadyo, 7 June 2022

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.