PatrolPH

Mga operator nananawagang ibalik na ang normal na ruta ng bus

ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2022 03:02 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Nanawagan sa gobyerno ang isang grupo ng mga bus operators na ibalik na ang kanilang mga normal na ruta noong bago pa magkaroon ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Juliet de Jesus, managing director ng Samahan ng Transport Operators ng Pilipinas (STOP), hindi sila kumikita sa mga provisional routes na ipinatupad simula nang magkaroon ng pandemya.

“Hindi po kasi sustainable ang mga rutang ibinigay sa amin,” sabi niya sa isang panayam sa TeleRadyo.

Paliwanag niya, hindi na lang nila sinasagad ang pagdi-dispatch ng mga bus para hindi sila malugi.

“Ang driver (at) konduktor po, hindi po pupuwedeng hindi suwelduhan yan. Dahil alam niyo naman po sila eh araw-araw kailangang kumita para sa pamilya.”

“Ang ginagawa po ng mga operator ngayon, hindi po kami nagdi-dispatch fully ng binigay sa’ming special permit ng (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) dahil kung marami po kaming idi-dispatch, the more po na malaki po ang magiging lugi po ng operator.”

Aniya, “Ang hinihiling po natin ngayon sa ating gobyerno, sa LTFRB, kung pupuwede ho, i-lift na po nila yung rationalized route na pinapatupad nila ngayong pandemic. Ilagay na po kami sa talaga naming ruta. Baka sakali po makatulong nang konti.”

“Kasi nabuhay kami nang dekada nung mga panahong wala pang COVID at wala pa pong rationalized route na ‘to.”

Dagdag pa ni De Jesus, hindi rin natutuwa ang ilang mga pasahero sa ipinatutupad na rationalized routes. 

“Kasi po ngayon, ang mananakay po, nagrereklamo na imbis na diretso ang kanilang biyahe, eh nagiging dalawa, tatlong beses lilipat ng mga sasakyan bago makarating sa kanilang paroroonan o kanilang pinagtatrabahuan.”

Ayon pa sa operator, hindi rin nabubuo pa ang bayad sa kanila ng gobyerno sa pagpapatupad nito ng libreng sakay para sa mga commuter.

“Medyo may konting bayad pero mas malaki po yung balanse… Hindi nga po namin maintindihan, lahat naman po ng mga requirements, lahat po ng dapat naming ibigay, naiibibigay naman.”

“Yung bangko po, yung Landbank, medyo matagal po yung proseso. Hindi namin alam ano po ang problema nila.” 

Ayon kay De Jesus, hihirit na rin sila ng dagdag-pasahe sa bus.

“Nag-file po kami ng aming fare increase 2018 po, na ang diesel po noon eh nasa P40-42 pa lang. Ang ginawa po ng LTFRB, binigyan lang po kami ng probationary na P1. Pagkatapos po kaming bigyan ng probationar,y until this time na nag-uusap po tayo, hindi po nila na-resolve yung aming petisyon.”

“So ang balak po namin gawin ngayon, i-activate ‘yon, i-resolve nila. Kami po ay magko-compute agad sa base po ng presyo ng diesel ngayon na dumoble na po. Yung P42, magiging P84 na po ngayon. So talaga pong kailangan na po naming mag-file ng fare increase.”

--TeleRadyo, 7 June 2022
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.