Pagrekober sa mga nasawing sibilyan sa Marawi, pahirapan

ABS-CBN News

Posted at Jun 08 2017 01:48 AM | Updated as of Jun 08 2017 03:32 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Pahirapan pa rin ang pagrekober sa mga nasawing sibilyan sa Marawi City. Hindi na rin makilala ang ilan sa kanila, kabilang ang isang batang babae.

Puwede na ring dumulog sa Department of Interior and Local Government sa paghahanap sa mga nawawalang kaanak sa harap ng patuloy na bakbakan. 

Determinado ang pamahalaan at ibang organisasyon na marekober ang mga namatay sa bakbakan sa Marawi city pero aminado silang hirap sila. Hindi sila makapasok dahil sa sniper.

Maging ang mga namumuno sa peace corridor, pursigidong marekober ang mga nasawi sa gulo, ngunit hindi basta-bastang magawa ito dahil iniisip din ang kaligtasan ng mga rescuer. 

Sa isang punerarya sa Iligan city, katatapos lang i-autopsy ang 11 bangkay na hindi pa nakikilala. Kabilang dito ang walong taong gulang na batang babae na nawasak ang ulo, at isang lalaki na matapos barilin ay pinutulan pa umano ng mga paa.

Pinulong naman ng Management for the Dead and Missing sa Iligan City ang mga kapitan ng barangay sa Marawi para tumulong sa pagkilala ng mga residente nagsilikas o kaya'y posibleng naiipit pa sa gitna ng bakbakan sa Marawi. 

Patuloy namang umaasa ang mga taga-Marawi na makikita nilang buhay ang mga kamag-anak na naiipit sa bakbakan.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.